Mga Panaginip at Pintuan

May ilang taon na rin mula nang sumulat ako gamit ang wikang sinilangan. Bakit nga ba ganoon, para bang mas madali para sa akin na magsulat sa Inggles? Kung tutuusin, mas maganda nga ang mga tulang Tagalog basta magaling ang gumawa nito.

Isang araw sa taong 2012, may isang kahanga-hangang pantas na nagpadala ng mensahe sa akin. Sinabi niya na napanaginipan niya na lumabas ang aking mga tula sa isang magasin. Ni hindi nga ako makabuo ng isang magandang linya, pero nanalig ako sa napanaginipan niya. Malamang ay nakalimutan na ng pantas ang panaginip niya, pero dahil pantas siya ng pagsusulat at mapamahiin akong tao, natatandaan ko pa rin ang panaginip niya at sinabi ko nga sa sarili ko na gusto kong maging makatotohanan ang panaginip na ito balang araw.

Nung nakaraang taon, dinalaw ko ang bestfriend kong madre sa Lipa. Napakaganda niya. Kinasal siya Diyos nung unang Linggo ng Enero ng taong ito. Maraming beses niya akong napapanaginipan sa kumbento. Nung minsan, may nagpadala sakin ng isang dosenang pulang roses pero hindi raw maganda ang kahihinatnan.Nagkatotoo at may isang halimaw sa banga na nagpapadala sa akin ng rosas tuwing alas dose ng tanghali ng Biyernes, pero hindi maganda ang kinahinatnan ng buhay ko sa piling niya. Dapat nakinig ako kay Sister.

Nung huling panaginip niya, nakasakay raw kami sa bus na magkasama tapos iniwan niya ako sa bus. Naging mistulang simbolo ng hindi ko pagtuloy sa napag-usapan naming mga plano kong gawin sa buhay ko.

Noon palagi kong natatandaan ang mga panaginip ko. Ngayon, nakikinig na lang ako sa panaginip ng ibang tao dahil hindi ko na kayang tandaan ang mga detalye ng sarili kong mga panaginip. Ang alam ko lang, pag masyadong mahaba ang nangyari sa kalagitnaan ng pagtulog ko, pagod na pagod akong magigising, na para bang hindi ako natulog ng kahit isang minuto man lang.

Sa napakatagal na panahon, umaasa ako sa mga senyales at panaginip para gumawa ng mga desisyon sa buhay ko. Napagtanto ko na habang tumatanda ako na minsan wala kang makikita pero kailangan mong pumili, na may mga bagay sa nakaraan na napakaganda pero katulad ng ibang pinto na walang puwang sa iyong tadhana, kailangan mo rin silang isara kahit gaano man kahirap. At may mga pintuan din na ayaw na ayaw mong buksan para sa sarili mo, pero dahil sa pagmamahal mo at konsiderasyon sa damdamin ng ibang tao ay tatahakin mo ang daang iyon kahit gaano man ito kalabag sa loob mo.

Minsan may mga pinto na akala mo ay pintuan na papunta na sa bahay mo, pero isa palang patibong tungo sa mas madilim na lugar, lugar na hindi mo alam kung paano mo pinasok pero napasok mo na nga dahil nalilo ka ng magaganda at makikislap na palamuti sa harapan.

May mga maliliit na siwang din na hindi maganda sa umpisa, singliit at sing-itim pa ng daga. Pero pag hinayaan mong buksan ang mata mo sa paglipas ng panahon, pintuan pala ng kaligayahan ang nasa kabila nito na naghihintay para sa iyo.

Paano mo nga naman malalaman kung alin ang alin? Kung alam ko na agad, malamang nagtayo na ako ng estasyon sa kalsada na may karatula para hulaan ang kapalaran ng iba. Pero hindi ganoon ang buhay. Tatanggapin mo na magkakamali at magkakamali ka kahit anong ingat mo, kahit anong pilit mo na puro magagandang pintuan lang ang bubuksan mo. Maganda lang talaga bumalik sa huling tamang pintuang pinasukan para maibalik ang sarili sa mga pagpipilian pagkatapos mapunta sa bulok na daan.

At maaaring ang mga panaginip ang pamamaraan ng utak na nasugatan para ihilom ang sarili. Dahil sa panaginip, lahat ay posible. Lumilipad mula sa isang lugar patungo sa kabila, madaling baguhin o hulmahin ang inog ng buhay sa isang panaginip dahil ito ay magaan at lumilipas lamang, basta ba hindi ka binabangungot dahil sa pagtulog agad pagkatapos kumain ng sandamakmak…

Kasama ng pagsusuri ng panaginip ng iba tungkol sa akin ay ang pagtanggap na higit pa sa napapanaginipan ng iba, dapat akong maging mas masusing mag-alaga ng sarili kong mga panaginip at pagbukas ng mga tamang pinto na umaayon sa mga pinakamatatayog kong inaasam habang tumutulo ang laway ko sa unan. Kung palaging ganoon ang pag-iisip ko, kahit ilang maling pinto pa ang mabuksan ko ay ayos lang. Ang mahalaga ay hindi nawawala ang pag-asa. Ang pinakamahalaga ay hindi nawawalan ng kumpiyansa na mayroon at mayroong hahakbangin papalayo sa mga nagbabadyang kadiliman ng isang bangungot.

 

Hindi ito tula. Hindi ito ang katuparan ng kaibigan kong pantas, sa ngayon. Hindi ito ang isang dosenang rosas ng pagpasok sa buhay na banal o isang sakay ng bus patungo sa isang estado ng buhay.

Ito ay isang lagusan papunta sa mga pintuan ng aking mga pangarap. At dahil dun, kahit wala akong pamahiing mapagkakabitan, alam kong nakakapit ako na parang tuko sa kahihinatnan nito, anumang bagay ang naghihintay sa akin sa dulo ng napakahabang lagusan ng aking pagaywang-gaywang ngunit matayog na daanan…

Maghirap man sa pag-abot, magiging masaya ako na hindi lamang laway sa unan ang aking ipinuhunan para sa mga panaginip na magaganda..

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *