Isang Pirasong Kuwerdas

Lunurin mo ako sa saliw ng iyong musika at sa iyong musika lamang. Ito ang iyak ng pusong pagal na mabagal na humahakbang patungo sa liwanag, ang liwanag na pakiwari ko’y paandap-andap at mabilis ding natatabunan ng lilim ng kaliluan. Isang malaking pagkakamali na paulit-ulit ay nababadha sa aking kabuuan, isang uri ng pagkakamaling pinayagan kong mamanhikan sa aking kalooban. Sa likod ng tabing ng katapangang sumabak at buksan ang sarili para sa iba ay tunay na takot akong masugatan at maiwang mag-isa.

Ako ay nagtatangis sa kadiliman ng paulit-ulit na tugtog ng aking iisang melodiya. Ito ang magarbong tugtog na walang laman kahit ito na ang mistulang tugatog para sa karamihan. Ngunit hindi ito tugatog para sa akin. Isa lamang itong ilusyon na bumubulid sa kaisipan kong hindi naitutok sa tamang lugar. Tigib ako ng pighati sa pagikot-ikot ng mga imahe ng nakaraan, ang nakaraang humigop ng oras dahil sa pilit na pagtugtog sa maling kanta.

Paano nga ba tutugtugin ang tamang kanta kung hindi mo alam ang sariling pagkakahulma at kung para saan ka?

Waring numinipis ang aking kabuuan sa paulit ulit na paggamit, ngunit alam kong nararamdaman ko lamang ito dahil sa kapagalang dulot ng aking pagtingin sa labas ng kaha ng gitara. Sa impit na tugtog ng iisang nota ay nakatago ang mga luha. Bawat isang tipa ay may patak ng dugo at pawis na kasama.

Kadalasan ako ay napipigtas sa tindi ng hagupit sa pagpilit sa maling kanta. Mula sa pigtas na piraso ay aarko na parang bilog– bilog na tanikala na nagsisilbing pambigti sa aking mga pangarap. Ito ang unti-unting pumapatay sa akin.

Ang pinakamalaki kong kalaban ay ang aking sarili, ang masokistang sarili na mahilig pa ring makipagdiyalogo sa mga anino na lumalason at dumudurog sa aking pagkatao.

Lunurin mo ako sa saliw ng akmang tugtog na laan para sa akin. Isama mo ako sa ibang kwerdas na nilikha upang itugtog din ang kantang tanging ako lamang ang maaaring makatipa.

At alam kong sa pamamagitan ng walang maliw na pagtipa na kaalinsabay nila ay hindi ako kailanman mag-iisa para ipakasal sa anino ng walang hangganang dilim.

Pero habang wala pa sila sa aking tabi ay pagsusumikapan kong manatiling unat at nasa tono upang ako ay maging handa sa kanilang pagdating.

Maghihintay ang isang pirasong kuwerdas para sa tamang kanta.  Titiisin ang timyas at sakit ng kawalan ng musika ng isang buong buhay kung ang ibig sabihin naman sa huli ay mahahanap ang tamang kanta na may dalang liwanag na hindi magmamaliw kailanman.

***

(This post is inspired by my perpetual frustration to learn guitar. And it is also further inspired by my seatmate sa ordinary fare bus kaninang umaga na nagtutugtog sa kanyang imaginary guitar. Salamat, kapwa biyahero ng buhay. I will try to learn to play this instrument again.)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *