Indayog (A Tagalog Urban Inanimism)

Backgrounder : I have this category on my blog called Urban Inanimism (see right side of my blog for post categories), the idea of which came from my old wordpress blog in college. The posts involve making inanimate objects talk. So far, I have done it all in English. Planning to do one in French in the far future. Hope this Tagalog debut will not be the last…

***

Ganito mo ako naabutan nung pumasok ka sa makulay kong sayawan. Heto ako noon: maganda, maningning, at masaya sa pedestal na pinaglagyan ko sa aking sarili.

Pinilit mo akong angkinin sa panahong hindi ko na gustong magpaangkin kahit kanino. Dumating ka sa puntong kuntento na ako sa pagiging mag-isa. Inimpluwensyahan mo ang mga desisyon kong manahimik sa solitaryo kong pamumuhay. At nagpumilit kang pumasok sa sayawan. Dinaan mo ako sa dalaw, sa pagpapakitang mahusay kang magbigay ng mga bagay.

Ngunit habang pinalapit kita ng pinalapit sa akin, unti-unti mo akong sinakal. Hindi mo ako gustong ibahagi kahit sa ibang taong nangangailangan ng tulong ko. Sinarili mo ako ng matagal na panahon. Ginawa mo akong de susing makina na susunod lang sa lahat ng gusto mo.

Halos masira ang ulo ko noon. Hindi mo ako pinagkakatiwalaan kahit na wala naman akong ipinapakitang masama sa iyo. Sinumbat mo pa ang mga dating sumayaw sa buhay ko. Ni hindi mo naisip na pinaalis ko na nga lahat sa entablado para mapapasok ka lang sa buhay ko.

Marami ng nakasira sa akin noon. Pero sa lahat, ikaw ang pinakamalala dahil ikaw ang pinagkatiwalaan ko ng lubos. At ang dami kong binago sa sarili ko, mapasaya ka lang. Hindi na nga ako disco ball nung naghiwalay tayo. Hindi ko na alam kung ano ako, palagay ko naging karugtong na lang ako ng perpeksiyonistiko mong pananaw sa buhay. Kung buhay pa nga bang matatawag ang impyernong iyon.

Ang malaking kasalanan ko lang sa sarili ko ay hinayaan kitang lumapit. Dinalhan ng dusa ang aking sarili sa walang pakundangang pagpatay-sindi mo sa buhay mo. Nilinlang ako ng kadilimang nagtatago sa katalinuhan ng pantas. Nalilo ako upang maniwala na karagdagang liwanag ang dala mo. Isang makislap na pambalot ka lang pala ng regalo na walang laman.Β Β Kinuha mo pa ang kung anumang kakarampot na liwanag na mayroon ako sa buhay ko.

Isang araw, namalayan ko na lang na ayoko na ng ganitong buhay. TAMA NA ANG PAGSAYAW MO SA BUHAY KO. Sumira ka ng bagay na hindi mo naman pala kayang ayusin. Kahit anong pagsisisi pa ang ipakita mo ngayon ay wala ng talab. Patay na ang mga ilaw. Sira na ako. Sira na tayo.

Sumambulat ang buo kong pagkatao at kumubli ang mga basag na piraso sa ningning ng ilaw ng mga katawang nagsasayawan. Nanatili ako sa mga dating ginagawa.Β Hindi na ako nagpapahalatang basag para hindi maalarma ang ibang sumasayaw sa mundo ko. Pinipilit pa ring magbigay-liwanag sa kabila ng lahat. Hindi mo man alam, naging sakim ka sa liwanag na winasak mo at halos wala ng natira sa akin noon. Hindi mo lang alam, pero baka sarado na ang sayawan ng buhay ko dahil binomba mo ng walang kapantay na sakit ang mga mekanismong bumubuhay dito.

Napilitan lang akong paalisin ka, kahit sinanay mo akong nandiyan ka. Ginawa ko iyon para mabuhay naman ako– para mahanap ko ang mga basag na aspeto ng sarili kong nagkalat sa lapag ng kaguluhan at kalituhan. At ito na ako ngayon:

Maganda pa rin naman ako, pero hindi na buo sa loob. Hindi na halos makaakyat pabalik sa pinanggalingan kong pedestal. Pedestal na winarak mo para sa pansarili mong interes. At sa gitna ng lahat ng sumabog kong kalooban, pinipilit kong bumangon at ayusin ang lahat ng mag-isa. Maaari akong magpatawad sa pagkayurakan mo sa pagkatao ko, sa pagpapadilim mong muli ng dating tahimik na mundo ko.

Pero ang magkunwaring parang wala lang ang lahat at panatilihin kang sumasayaw sa buhay ko kung kailan mo gustong sumulpot ay hindi ko na maaatim pa… Sa pagsara ko ng pinto sa iyo, umaasa akong maibabalik ko ang sarili ko sa dati kong masiglang pamumuhay.

Pasensya na dahil isa lang akong bolang bilog na madaling mabasag kahit ang nakikita lamang sa akin ay ang walang maliw na kutitap. Ni hindi ko na maaninag ang bilog ko ngayon. Pakiwari ko’y nilamon na ako ng mundo at wala talaga akong permanenteng hugis. Kahit ano pang sabihin mong pakunswelo ngayon, dumidilim at napupundi rin ang kahit anong makislap na ilaw. At pag-alis ng mga bisitang napaligaya at napagsilbihan ng aking ilaw sa araw-araw, dinadalaw ako ng luha, pagkahapo at matinding panaghoy.

Hindi ko na maibabalik ang panahon.

Hindi ko na maibabalik ang dating indayog ng mapagtiwalang disco ball.

Malamang lang, mag-iiba na ako ng negosyo. Tapos na ang pagiging disco ball ko. Natuto ako ng husto. Hindi dapat ipinauubaya ang indayog ng kaluluwa sa mga taong nagdudunung-dunungan lamang.

Iiwan na din kita sa memorya ng dating buong liwanag na sinabog mo sa kawalan.

At sana, hindi na ito maulit kailan pa man.

31 thoughts on “Indayog (A Tagalog Urban Inanimism)

  1. nawa’y mabuong muli ang mga piraso mo…

    ..at hindi lang liwanag ang kumawala sa iyo…

    …bagkus ay maging isa kang bolang apoy na nag-aalab at nakadadarang sa sinumang magtangkang mandusta’t manakit!

    πŸ˜€

      1. nyahaha! uu, at pwede akong humingi ng wish sa dragon na susulpot sa nakolekta kong pitong dragon balls, kasama ka na! πŸ˜€

  2. “Nilinlang ako ng kadilimang nagtatago sa katalinuhan ng pantas. Nalilo ako upang maniwala na karagdagang liwanag ang dala mo. Isang makislap na pambalot ka lang pala ng regalo na walang laman. Kinuha mo pa ang kung anumang kakarampot na liwanag na mayroon ako sa buhay ko.”

    winner!!!!

        1. hi fairy, sorry i forgot to introduce myself.. isa po akong nerd na walang talino! πŸ˜€

          sana magkita rin tayo in the near future! πŸ˜€

          1. bakit bawal pumunta??? hindi po ako pantas. Patas lang tayo!. πŸ™‚

            Hello leviathan, nagpapanggap lang po akong diwata pero ako ay isang lamang lupa.

          2. haha! you’re so cool fairy! at ruma-rhyme ka na rin po! πŸ˜€

            mas masaya kung ganun, patas tayo! kung ikaw ay lamang-lupa, ako nama’y lamang-dagat! πŸ™‚

    1. hahaha… at least hindi ka na mangdededma ngayon… hahahaha… πŸ™‚ kelan ka ba malilibre sa thesis mo? bilin sakin ni apple wag kita kulitin para hindi ka madistract. hahaha. πŸ™‚ lab na lab ka ng kapatid mo. hahaha.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *