‘ere you go…

okay i’m sorry… i’ve been too busy. here’s something you can read for the meantime. it’s my essay in Panitikang Pilipino 19 (Tao at Sekswalidad). Prof asked us to write something about our own bodies. This might keep you reading for awhile. I’ll try to be more online but it’s really getting more difficult. By the time I get home, all I could do is sleep out of tiredness…

By the way, I’m practicing my Tagalog because all my minors are in the verncular. Bear with me. =)

==*==*==*

AKO AT ANG AKING KATAWAN

Kung pagbabasehan ang pinakasikat na nosyon at pamantayan sa kagandahan, masasabi kong medyo angat ako sa iba. Bagama’t hindi magandang ipagyabang (at sana huwag akong agad husgahan sa una kong tinuran), hindi rin naman mainam ikahiya ang biyayang bigay ng Diyos sa pisikal na aspeto. Hindi lahat ng tao ay mayaman dito. Isa ito sa mga ipinagpapasalamat ko sa mga magulang ko na pinagmanahan ko ng matangos na ilong, maputing kutis, singkit na mata at unat na buhok na bentang benta sa maraming tao.

Nakakapagpalakas ng aking loob ang mga alok na kunin akong artista, at sa isang banda ay natutuwa ako sa sobrang atensyon na nahuhugot ko sa bahay, sa paaralan, sa daan sa sasakyan at sa mga pasyalan. Masarap yatang matawag na kamukha ng isang magandang artista. Hindi ko naman balak sumikat ng sobra, pero gusto ko lang din gamitin ang pagmumukhang ito para kumita ng pera sa sarili kong paraan.

Ngunit ang atensyong ito ay may dalawang mukha. Tinitiis ko rin ang pambabastos na inaabot ko mula sa mga estranghero na hindi mapigilan ang kanilang pagkamanyak. Naranasan ko nang mahipuan habang naglalakad, lapit-lapitan ng mga ungas na lalaki, hiyawan at pituhan ng mga tambay at mga drayber ng trak sa araw-araw kong pagbiyahe papunta at pauwi galing sa eskuwelahan. May mga araw na nagpupuyos ang dibdib ko sa galit kapag naalala ko ang mga sitwasyong pinagdaanan ko kung saan wala akong magawa o maiganti bagaman harap-harapan akong binabastos ng mga lalaking nabanggit ko na hindi na yata karapat-dapat tawaging tao. Hindi ko pa lubos na matanggap, pero alam ko na sa pagtahak ko sa buhay kong ito ay patuloy kong kakaharapin ang ganitong klaseng pagsubok at malamang matitigil na lang ito kapag nagsimula na akong kulubutin at lamunin ng panahon. Alam kong dapat huwag nang pansinin pero nakakasama rin ng loob na hindi na ako makapaglakad ng hindi napa-paranoid sa mga maaaring mangyari sa akin.

Hindi ako perpekto. Tumingin lang ako sa FHM, Cosmo at iba pang uri ng visual media ay nararamdaman ko minsan ang karaniwang paglusaw ng kumpiyansa sa sarili kong itsura. Kahit anong gawin kong pagtago sa mga madayang damit, hindi na maikubli ang karera ng tiyan at dibdib ko. Habang hindi ako matigil sa paglamon, unti-unti ng lumalamang ang dami ng bilbil ko laban sa cup size ng bra ko. Isa sa mga dahilan kung bakit hindi ko matuluy- tuloy ang pag-aartista ay ang sobrang pagpuna ko sa aking kakulangan sa magandang vital statistics at katangkaran. Baka mapintasan lang ako ng madla kung magpapakita ako sa telebisyon.

Para hindi ako masiraan ng bait at maging miserable sa hindi ko pagkakaroon ng 36-24-36 na pigura, pinagdesisyunan ko nang iwasang ikumpara ang sarili ko sa iba at pilitin na lang pagyamanin ang katawan ko. Madaling sabihin. Mahirap gawin. Magsikap man akong panatilihing mataas ang kumpiyansa ko sa sarili ko, pinaghahandaan ko rin ang pagpuntirya ng mga alaskador kong kaibigan at kamag-anak sa patuloy kong paglusog. Pinakikinggan ko naman sila, pero nakakpikon kapag pinagdidikdikan na nila na mukha akong modelo ng maternity dress kapag nagpatuloy ako sa kawalan ng ehersisyo at diyeta. Alam ko naman na ang masakit na katotohanang iyon at sa ngayon ay pinipilit kong paliitin ang kawawa kong baywang. Maaaring nag-aalala sila o wala lang silang mapag-tripan, pero minsan masakit din kasi ang paulit ulit na pagpaparinig nila.

Komportable pa rin naman ako sa katawan ko, at nagagawa ko pa rin ang gusto ko sa pisikal na aspeto. Hindi naman kayang buwagin ng mga insecurities ko ang kakapalan ng mukha ko. Mahilig akong mag-eksperimento at kapag may gusto ako, tinitimbang ko muna kung ano ang maaaring maging epekto nito sa kinabukasan ko. Kapag nakita kong nakasalalay dito ang kaligayahan ko, kahit panandalian lang, at kung wala naman akong binabanggang tao sa pagkamit nito, tuluy-tuloy lang ako. Hindi ko naman kinakalimutan ang mga limitasyon ko at responsibilidad bilang anak at estudyante. Hindi ako moralistang sunud-sunuran sa dikta ng lipunan, gaano man karangal ang mga konsepto nito. Isa akong taong totoo sa sarili ko, at problema na lang ng iba kung makitid ang utak nilang tanggapin ang isang gaya ko. Magkamali man ako, wala akong ibang puwedeng sisihin sa kahihinatnan nito kundi ang sarili ko.

Tinitingnan ko ang sarili ko sa salamin at masasabi kong marami pa akong maaaring baguhin sa katawan ko, lalo na sa pigura ko. Hindi ako ayon na lagyan ng silicon ang anumang parte ng katawan ko gaano man ako mainggit kay J. Lo. Magdadasal na lang ako na madaan sa ehersisyo ang lahat. Sa ngayon, nagagamit ko ang katawan ko sa napakaraming paraan, at minsan naisasalba pa ako ng pang-akit ko sa mga mahirap na sitwasyon. Hindi maiwasang maging banidosa paminsan-minsan, ngunit lagi kong sinasabi sa sarili ko na hindi dapat ako nakasentro sa pangangatawan ko dahil ang buhay ay masyadong maganda at malawak para ituon lang ang pansin ko sa isang aspeto na nabubura rin naman sa paglipas ng panahon. Sapat na sa akin ang katawang ito at mahal ko ang sarili ko kahit hindi ako ang pinakamaganda at pinakseksi sa paningin ng tao.]]>

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *